Boac, Marinduque – Sa okasyon ng ika-68 taon ng pagkakatatag ng Marinduque State College noong Hunyo 21, tinampok ang mga output ng Batch 2 ng Graduate Diploma in Cultural Education (GDCE) at pinasinayaan ang microsite sa mscmarinduque.edu. ph. Sa kabila ng pandemya sa buong mundo partikular sa rehiyon ng Mimaropa, buong lugod na inilabas ang mga nilalaman buhat sa unang apat na kurso ng GDCE, CulEd205: Philippine Arts; CulEd203: Cultural Diversity and Philippine Languages; CulEd204: Re-view of Heritage and History at CulEd200: Pedagogy of Cultural Education.
Nagsimula ang GDCE Level 1 noong Mayo 11 at natapos noong Hunyo 6 sa pamamagitan ng mga bagong platform kagaya ng zoom meeting, google classroom at Facebook closed groups. Ang mga klase ay ginanap sa distance at electronic mode imbis na face to face at pisikal na pakikisalamuha. Ang mga titser-iskolar ay mula sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Romblon at Marinduque. Ang mga GDCE titser-iskolar ay dumaan sa qualifying exam na binigay ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education Mimaropa at MSC School of Graduate Education and Professional Studies noong Abril 17. Nagkaroon din ng panayam at oryentasyon noong Mayo 8 bago ang simula ng GDCE Level 1.
Batay sa kasunduan ng NCCA at MSC, sa pamamagitan ng Philippine Cultural Education Program (PCEP), kasama ang Marinduque State College sa walong pamantasang nagbibigay ng GDCE. Ang GDCE ay isang 24 unit na gradwadong programang tatakbo sa loob ng dalawang semestre sa tag-init na maaring ituloy sa Masteradong kurso sa piling pamantasang tinalaga ng NCCA.